Linggo, Oktubre 7, 2012

Sagrado o Sarado?






Sagrado o Sarado?

Isa sa mga kamalayang binuksan sa aming pagtatalakay ay ang kaugnayan ng mata o pagtingin ng lalaki sa katawan ng babae. Hindi na bago ang ganitong kaisipan ngunit nais kong magbigay ng aking sariling interpretasyon sa ganitong aspeto ng humanidad.

Sa larawan sa itaas, makikita na may dalawang uri ng pagtingin sa babae: bilang sagrado at bilang sarado. Malaking impluwensiya ang kultura at tradisyong ng iba’t ibat lahi sa pagkakaroon ng ganitong pagtingin sa babae.

Ang babae, lalo na sa Gitnang Silangan, ay hindi pinagkakalooban ng pantay ng karapatan tulad ng sa mga lalaki. Ngunit, makikita sa kanilang mga panlabas na anyo ang kasagraduhan nila sa lipunan. Nakamamanghang isipin na sa isang bayan na hindi binibigyan ng halaga ang mga babae pagdating sa mga karapatan, mas pinapakitang sila ay sagrado. Kumbaga, kabalintunaan ng kanilang prinsipyo ang kanilang pinapakita. Nakabalot sa tela ang kanilang buong katawan at halos mata nalang ang iyong makikita. Itinuturing nilang kahihiyan ang malantad ang kanilang balat, lalo na sa mga lalaki. Nakatutuwa ring isipin na kahit ang kanilang interaksyon ay kakikitaan ng kasagraduhan.Kapag nahawakan mo ang kanilang kamay o hita ay kailangan mo na silang pakasalan. Ang kanilang katawan ay itinuturing na sagradong bagay na hindi dapat nababahiran ng karumihan.

Sa kabilang banda naman, may mga babaeng pinipiling maging sarado sa ganitong kaisipan. Makikita din ang kanilang kasaraduhan sa mga bagay na kanilang ginagawa. Halimbawa, sa Estados Unidos, kung saan liberal ang mga babae at ang kulturang liberal ang nangingibabaw, nakikita ang mga babae bilang sex toy o kaya’t tagapagbigay lamang ng aliw o kasiyahan. Kung kaya’t tulad sa larawan sa itaas, ang kanilang mga mata ay tinatakpan. Ito ay dahil ang mga mata ang tunay na nagpapakilala sa kalooban ng isang tao. Sa isang bayan na binibigyan ng pantay na karapatan at kapangyarihan ang mga babae, doon pa sila hindi nirerespeto at binibigyang-galang.

Ano nga kaya ang mas magandang pagtrato sa mga babae? Saan ba dapat sila lumugar sa ating lipunan? Ano ang mas nararapat na pagtingin sa ating mga kababaihan? Sagrado o sarado?




Image Source: http://d24w6bsrhbeh9d.cloudfront.net/photo/5538121_700b.jpg

Linggo, Setyembre 9, 2012

Baka Abutin Ka ng Siyam-Siyam







Sumulat ka na, dali!


Ikaw! Oo, ikaw!

Kailangan mo ng siyamnapu’t siyam na salita para matapos ito.



Susubukin ko ang talas ng iyong pag-iisip at titingnan ko kung hanggang saan ang aabutin mo.




Kailangan mong maging maingat.



Kailangan mong maging mabilis.



Kahit na hinihila ka ng paligid mo sa bingit ng katamaran.




Huwag kang matakot.





Isipin mong mabuti ang sasabihin mo dahil isang pagkakataon lang ito.




Sa buhay, maraming pagsubok.



Babagyuhin ka ng maraming beses.




Magpapatalo ka ba?


Kaya mo iyan.


May pag-asa pa.




Magtatagumpay ka rin sa huli.




Sumulat ka na.



Ngayon na.




Baka abutin ka pa ng siyam-siyam.



Bilang ng salita: 99






Ang mga pahayag sa itaas ay ilan sa mga tumatakbo sa isip ko noong kumuha kami ng mahabang pagsusulit kung saan kailangan naming lumikha ng isang paliwanag sa loob ng siyamnapu't siyam na salita.

Dahil isa itong kakaibang paraan ng pagsagot, hindi ko makalimutan kung gaano kahirap limitahan ang iyong sarili sa isang maikling paliwanag.

Bukod pa rito, sumagi rin sa aking isipan ang salitang "siyam-siyam."

Isa itong salita na tumutukoy sa siyam na araw at gabi ng walang tigil na ulan.

Iniugnay ko ito sa mga pagsubok sa buhay, isang limitadong bagay na parang pagsusulit, kung saan masusubok ang iyong lakas at kakayahan upang mapagtagumpayan ito.



Linggo, Agosto 19, 2012

Kainan na!


 Kainan na!


Ngayong linggong ito, nabanggit sa aming talakayan ang kaugnayan ng pakikisalo sa pagkain bilang manipestasyon ng pakikisama at pakikiisa. Dahil dito, bumalik sa aking alaala ang mga pagkakataon ng aking buhay na magpapatotoo sa prinsipyong ito.

Ako ay kabilang sa mga karaniwang mamamayan. Hindi ako lumaking mayaman ngunit hindi rin naman kami dukhang-dukha. Sa mas mababaw na salita, katamtaman lang. Kung ano man ako ngayon ay bunga ng maraming karanasan na kahit simple ay kapupulutan pa rin ng aral sa buhay. Ang aking pagkakabilang sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang nagdala sa akin sa maraming lugar, nagpakilala sa akin ng iba’t ibang personalidad at nagparanas sa akin ng mga bagay na kung iisipin, hindi pangkaraniwan sa isang batang tulad ko. Marami nga ang nagsasabi na sa aking murang edad, marami na ang aking naranasan na dapat ay hindi ko pa nararanasan. Nais kong maging malinaw na hindi ko pinatutukuyan ang mga gawain lang dapat ng mga mag-asawa o anumang bagay na pangmatatanda lang. Ang ibig kong sabihin ay maaga akong tumanda. Maagang namulat ang mga mata ko sa mga katotohanan ng lipunan na nagbibigay sa akin ng kalinawan bilang isang indibidwal. At marami sa mga pagkakataong sumulong ako sa realidad ng buhay ay sa pamamagitan ng pagkain. Mula sa isang simpleng gawain ng pagbibigay sustansya at lakas sa ating katawan, nakamamanghang isipin na ang gawaing ito ay may mga implikasyon din sa ating pakikipagkapwa-tao.

Isang kahig. Isang tuka.

Madalas ko iyang naririnig kapag may isang mahirap na nagsasalaysay ng kanyang buhay. Noong una, hindi ko lubos na maunawaan ang ibig nitong sabihin ngunit nang kalauna’y nakuha ko rin. Ganito ang paraan ng paglalaarawan ng mga kinakapos sa buhay kapag pinag-uusapan ang kanilang kalagayan. Ngunit hindi ba nakuha ang ideyang ito sa pagkain? Sa hayop man ito nakuha, mabilis mong maiintindihan na sa ganitong kalagayan, kung ano lamang ang iyong nakayanan, iyon lamang ang makukuha mo. Sa madaling salita, wala kang sobra. Kapag hindi ka pinalad na kumita, wala kang kakainin. Ganyan ang madalas na sitwasyon na aking napapanood sa TV. Pero mas malalaman mo ang katotohanan sa likod nito kapag nangahas kang makisalo at makikain sa kanila.

Sa aking pagbisita sa tahanan ng isang kapatiran sa simbahan, napuno ng awa ang aking puso sa aking nakita. Pagdating namin, agad akong inalok upang kumain kasama nila. Ang kanilang ulam—Dory, isang uri ng tingi-tinging sitsirya. Hindi ko inakala na ang karaniwang sitsiryang binibili ko ay maituturing nang masarap na ulam para sa iba. “Lalagyan mo lang ng suka iyan, ok na", ang sabi niya. Dahil minsan ko lang naman ito mararanasan, sinubukan ko itong tikman. Maalat-alat naman kaya puwede na. Bukod pa rito, nakasasalamuha ko rin ang iba pang uri ng mamamayan tulad ng mga construction workers, tricycle drivers, mga pulubi at mga “may kaunting karamdaman sa isip” sa pamamagitan ng pagkain. Mula pa noong hayskul, may mga kinainan ako kung saan doon ko sila nakasabay kumain. Makikita mo sa dami ng ulam at kanin sa mga plato kung sino ang medyo naka-aangat sa buhay. Maraming bumibili ng gulay dahil iyon ang mas mura pero masarap pa rin. Minsan pa nga’y naranasan kong kumain ng manok at pagkatapos ko, may isang mama, hindi gaanong katangkaran ngunit tantiya kong nasa edad 30 o 40 na hiningi ang natira kong manok. Hindi ko akalain, na kung para sa akin ay wala nang pakinabang ang manok na iyon, para sa kaniya ay masarap na itong hapunan na bubusog sa kanya. Magalang naman niya itong hiningi kaya magalang ko rin itong ibinigay nang walang alinlangan. Nakasisiguro naman akong hindi ko ito nilawayan kaya’t malinis ang kaniyang kakainin. Noon namang bumisita ako sa kampo ng mga militar noong hayskul pa ako, ipinaranas sa aking ang tinatawag na boodle fight.  Akala ko nama’y isang uri ito ng pakikipaglaban, iyon pala, isang paraan ng pagkain. Sa kultura ng mga sundalo, ang pagkain ay isang bagay na ginagawa ng sama-sama. Sa aming kaso, naglatag lang kami ng mga dahon ng saging at doon namin ibinuhos kung anuman ang aming baon. Akala ko’y kasabay naming kakain ang mga sundalo ngunit tumayo lang sila sa aming likuran at naghintay. Iyon pala, pagkatapos naming kumain, sila naman ang kakain ng mga tira-tira. Walang arte, walang alinlangan. Para sa akin, isang karangalan ang makasalamuha man lang ang mga nagtatanggol sa ating kapayapaan, pero labis na paghanga ang aking naramdaman nang walang-alinlangan nilang kinain kahit ang aming mga tira-tira sa ngalan ng pakikisama at pakikipagkapwa-tao. Marami na rin akong nakainang karinderya, lalo na sa Quezon City, mula nang nanirahan ako para sa pag-aaral. May mga nagsasabing hindi ligtas kumain sa mga ganoong lugar dahil hindi ka nakasisiguro sa kalinisan ng pagkain. Pero dahil gusto ko ngang maranasan ang mga bagay na ito habang may pagkakataon, pinipili ko pa ring tikman ang kanilang mga putahe. Masarap naman at sinisiguro nilang kumpleto ang iyong pagkain—may kanin, ulam, sabaw at tubig. Sa mga karinderya ko nakasasabay kumain ang mga trabahador tulad ng sinabi ko kanina. Minsan nga’y nakatatanggap pa ako ng tingin ng pagdududa dahil siguro wala sa hitsura ko ang kumain sa karinderya kasama nila. Gayunpaman, ang pakikisalo ko sa mga taong ito ang nagpapanatili ng aking pag-unawa at pagkilala sa mga kapos-palad nating kababayan. Hindi ko man sila kilala at gayundin naman sila sa akin, alam kong malaking bagay na ang kumaing kasabay sila.

Fine Dining at it’s Finest

Sa kabilang dako naman ng mundo, nandoon ang mga mayayaman. Hindi man literal na hiwalay ang mga mayayaman sa mga mahihirap, makikita mismo ng iyong mga mata ang pagkakaiba. Mapalad akong nabigyan ng pribilehiyong makakilala at makadaupang-palad ang ilan sa mayayaman dito sa ating bansa—sikat man o pangkaraniwang mayaman. Madali silang matagpuan. Pumunta ka lang sa mga kainan na sa unang tingin palang ay mahihinuha mo nang may kamahalan ang pagkaing inihahain sa loob at doon mo sila makikita. Kahit sa kanilang mga baon sa eskwelahan, kitang-kita na may-kaya nga. Kahit na ako ay nag-aral sa public science high school, marami pa rin akong nakilalang mayayaman. Ang iba’y anak ng bise-presidente ng Smart Communications at marami pang prominenteng pamilya. Akalain mo nga naman. Sino ang mag-aakalang sa public science high school  ka pa makakakilala ng ganoong uri ng tao. Kahit sa mga mall, sa mga restawran at sa mga sinehan, makikita na madalas sa mga mayayaman, binibili ang pinakamalaking size, ang pinakamahal sa flavor, o ang pinakamaraming serving dahil may pera naman silang pambili nito.

Ako, bilang karaniwang mamamayan, ay nag-oobserba sa tuwing may makakasama akong mayaman, lalo na kapag kainan. Sa mga handaan, masusi kong binabantayan ang mga ikinikilos nila nang sa gayon, maunawaan ko ang mga pagkakaiba at pagkakatulad nila sa karaniwang mamamayan. May isang pagkakataong nakasabay kong kumain ang isang artista ng TV5. Siguro nama’y kilala at hindi madaling makalimutan ang kabutihang ginawa ni Efren PeƱaflorida kung kaya’t tinagurian siyang CNN Hero of the Year noon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, naisama sa kanyang palabas ang isang proyektong nilahukan ko noong hayskul kung kaya’t kinuha nila ang aking panayam at isinama pa sa kanilang studio. Doon ko nakita na simple pa rin si Kuya Efren kahit siya’y sumikat na. Ang pagkaing nakalaan sa amin ay iba kumpara sa mga artista. Sa amin, Jollibee lang, sa kanila, hindi naka-styrong  pagkain na may kasama pang panghimagas. Ngunit nagkulang ang mga Jollibee na nakahanda kung kaya’t naantala ang pagkain ko. Napansin ito ni Kuya Efren kaya agad niya akong nilapitan at inalok ang kaniyang pagkain. Noong una’y tumanggi pa ako dahil may hiya pa naman ako ngunit dahil may nakakahiya kung tatanggihan ko siya, tinanggap ko na rin at kinain ang pagkaing nakalaan sa kanya. Sa unang pagkakataon, ang pagkain na hindi dapat para sa akin ay aking natikman, at sa artista pa nanggaling. Halos pareho din ang aking naranasan nang bumisita si Sam Concepcion sa aming paaralan. Dahil ako ang pangulo ng mga estudyante, ako ang tumanggap sa aming bisita. Pagkatapos ng programa noong araw na iyon, pinaunlakan niya ang aming alok na kumain ng tanghalian kasama ng prinsipal at ng ibang panauhin. Sa unang pagkakataon, ang artistang nakikita ko lamang sa TV at napapakinggan lamang sa radyo ay kasabay kong kumain—at nag-aabot pa  ng ulam! Hindi ko rin makalimutan ang araw kung saan kasama ko sa kainan at katabi ko pang kumain ang presidente ng Globe Telecom at ang iba pang namamahala ng kanilang kompanya. Iyon ang araw na iginawad sa akin ang apat na taong scholarship kung kaya’t nais kaming makilala ng mga magkakaloob nito at wala nang iba pang mas mainam na paraan kund hindi ang pagkain kasama kami. Tatlong beses kaming hinainan. Una, ang appetizer na salad at ang ibang prutas na pampagana. Sumunod ay ang mismong tanghalian namin na ubod ng sarap. Maraming uri ng ulam ang nakahandang ihain sa amin kaya’t nilalasap ko ang lasa ng bawat isa nito. Huli ay ang mga panghimagas na keyk, sorbetes at iba pang pastries. Hindi naman lingid sa aking kaalaman na ganito ang karaniwang ihinahain sa mga mayayaman ngunit ang bago sa akin ay ang karanasang kumain kasabay ng mga “malalaking” taong ito. Kasabay ng aming pagkain ang pagkuwento nila ng kanilang mga karanasan noong sila’y nag-aaral pa at kung paano sila nakarating sa kinaroroonan nila ngayon. Nagbahagi din kami ng mga karanasan naming lubos naman nilang hinangaan. Bukod pa roon, ang kanilang pagkilos ay normal lang katulad ng isang karaniwang tao. Bagama’t malaki ang responsibilidad na kanilang hawak at malaki din ang laman ng kanilang mga bank account, pare-pareho naming kinain ang kung anumang ihinain sa amin. Naranasan ko na ring kumain sa isang chinese restaurant na ubod nang mahal. Ito ay nangyari noong umuwi ang tiyahin kong galing sa Amerika at kumain sila kasama ang aming pamilya. Sa isang upuan at kainan, gumastos siya ng sampung libo! Marami nang mabibili doon pero pinili niyang gumastos ng ganoon kalaki para lang sa pagkain. Hindi ito madalas nangyayari kung kaya’t ikinagalak ko pa ring maranasan ang ganoong sitwasyon.

Sa lahat ng ito, aking napagtanto na mayaman ka man o mahirap, lahat tayo may iisang nararamdaman—ang pagkagutom. Lahat tayo, uupo din at kakain. Ito marahil ang isang paraan ng Diyos upang ipaalala sa atin na malayo man ang ating narating, mataas man tayo sa lipunan o nakabababa tayo tulad ng karamihan, lahat tayo ay tao lang, pantay-pantay sa kaniyang paningin. Sa isang bagay tulad ng pagkain, nakatutuwang isipin na iba-iba man ang anyo nito, lahat ng ito ay nariyan upang tayo ay busugin.

Halika, kain ka.


Linggo, Agosto 5, 2012

Ang Alamat ng Tarsier

Para sa aking blog entry, ito ang mga nakuha kong inspirasyon mula sa aming talakayan ngayong linggo:

1. Alamat. 
Isa sa aming mga tinalakay ang kaugnayan ng mga alamat sa pagiging bayani ni Rizal.

2. Tocsohan. 
Bagama't sa ibang konteksto ginamit ang salitang ito sa aming talakayan tulad ng panunuligsa ni Del Pilar sa mga utos ng simbahan sa pamamagitan ng kanyang sariling bersiyon ng Ang Sampung Utos, nais kong gamitin ang konsepto ng panunukso sa blog entry na ito.

3. Ang Pinaka. 
Sa huling bahagi ng aming talakayan, nagpakita ang aming guro ng listahan ng sampung pinakahindi kapani-paniwalang kuwento sa Pilipinas. Kaya naman, naisipan kong manaliksik ng iba pang listahan ng Ang Pinaka at nakita ko ang Ang Pinaka: Hanep na Hayop sa Pilipinas. Pangalawa sa listahan na ito ang tarsier sunod sa Philippine Eagle.

Dahil sa tatlong ito, naalala ko ang alamat na aking nilikha dalawang taon nang nakalilipas. Ginamit namin ito bilang katuwaan at simpleng pagtukso sa aming kinaiinisan.

Paalala:

1. Palitan lamang ang mga <insert name here> sa kuwento ng pangalan ng kinaiinisan mong tao. 

2. Ang alamat na ito ay kathang-isip at nilikha para sa katuwaan lamang.

O_O   Ang Alamat ng Tarsier   O_O














THE END
O_O



Lunes, Hulyo 9, 2012

Kumpisalan: Hahabol ka din kaya?


Kumpisalan: Hahabol ka din kaya?

Mula sa kapanganakan
Tayo ay makasalanan
Hindi madaling takasan
Ngunit mayroong ibang paraan

Kumpisalan ang sagot
Upang hindi ka na managot
Nagawang sala ay malimot
At alisin ang galit at poot

Ngunit panahon ngayo’y mabilis na
Lahat ng tao ay abalang-abala
Magkakapanahon pa kaya
Upang magpalinis ng kusa?

Posible kayang mangyari
Na ang kumpisala’y di tulad ng dati
Mas mabilis, mas madali
Dahil nariyan lang sa tabi-tabi

Imbes na sa simbahan matatagpuan
Makikita na kung saan-saan
Teknolohiya ang pinuhunan
ATM ang tinularan

Pipila ka lamang, pipindot
Ang makina’y agad na sasagot
Uri ng kasalanang ikinasangkot
Mapipili na sa isang pindot

Agad-agad ibibigay
Kapatawarang hinihintay
Ngunit bilang kapalit, kailangang magbigay
Handog sa simbahan, pwedeng ialay

Maaaring gamitin ang credit card
Savings account o debit card
I-transfer lang ang halagang nakasaad
Pasasalamatan ka na agad

Kaya kaya ng teknolohiya
Sistema ng pangungumpisal gawing iba
Hindi matagal, walang abala
Computerized at automated pa

Ngunit ang ATM na tinularan
Ay isang makinang may hangganan
Paano kung hindi maintindihan
Ang inaaming kasalanan?

Kung talagang magkakaroon
Sa darating na panahon
Huwang sanang makalimutan
Ang tunay na pinagmulan

Bilang tao’y dapat laging tandaan
Na tayo’y matutukso sa kasalanan
Mayroon o wala mang kumpisalan
Manaig sana ang katapatan


------------------------------------------------------------------------------------------------------------


Ito ay isang pagmumuni-muni na aking inilahad gamit ang tula. Dahil napag-usapan sa klase ang kumpisalan at ang pagbabago ng mga bagay dahil sa panahon (halimbawa, ang pagtingin sa buwan at ang pagkakaroon ng mga anak sa labas), naisip ko na ilagay sa kakaibang panahon ang ideya ng kumpisalan. Paano kaya kung sa hinaharap, maging tulad nalang din ng mga ATM at ibang makina ang kumpisalan? Paano kaya kung maging instant na ito at electronic? Abangan.

Linggo, Hulyo 1, 2012

State of the Nation Address




State of the Nation Address
His Excellency Danielle C. Royon
21st President of the Republic of the Philippines
Congress of the Philippines
July 25, 2046



Vice President Gilbert Francisco, Former President Gloria Aquino, Former President Benigno Corona, justices of the Supreme Court, fellow colleagues in government, mga minamahal kong kababayan:


Sa nakalipas na anim na taon ng aking panunungkulan, marami ang nagbago. Kasabay ng aking panunungkulan ang mga pagbabagong matagal nang hinahanap ng mga Pilipino. Hindi ko lubos maisip na magiging kaagapay ko ang buong bansa sa pagsasakatuparan ng isang pambansang pangarap—ang manumbalik ang dating kadakilaan ng Pilipinas.

Nais kong balikan ang mga pagbabagong ating nakamit, hindi para magyabang o magmalaki sa inyo, kundi para ipaalala sa ating lahat ang ating mga nagawa. Ito ang nakita kong paraan upang maitatak sa inyong mga isip na kaya nating kumilos bilang isang bansa at isakatuparan ang ating mga mithiin.
Isa sa mga pinakamalaking pagbabago na ating pinagdaanan ay ang transisyon ng ating sistemang pampamahalaan mula sa demokratikong presidensyal tungo sa isang parliyamentaryong sistema. Marami ang tumutol sa simula ngunit nakumbinsi din sa huli na ito ang pinakamainam na sistema para sa ating bansa. Dahil sa pagkakaroon ng ganitong sistema, ang mga opisyal ng gobyerno ay masusing sinusuri at pinipili ng mga iniluklok niyong kinatawan sa bawat rehiyon. Nawala man ang inyong direktang kakahayang bumoto ng pangulo at iba pang mga mataas na opisyal, nakasisiguro naman kayo na ang mapipili ay pinili ng mga napili—ibig sabihin, hindi na maaring masuhulan ang taumbayan kapag may eleksyon kung kaya't ang integridad ng inyong mga kinatawan ang ating pinanghahawakan. Nakatulong din ang banta na kaagad matatanggal sa katungkulan ang sinumang mapatunayang nagnakaw at nasuhulang opisyal ng pamahalaan. Ako ay natutuwa na naibalik na ang tiwala at kumpiyansa sa gobyerno dahil sistemang ito. Marami nang nagtitiwala at nakikiisa sa layunin ng pamahalaan dahil naging mabisa at mainam ang sistemang ito sa ating bansa.

Ang pagputol sa sistemang dinastiya sa pulitika ay nakabuti rin sa ating bansa. Walang sinuman ang makauulit ng termino sa pamamahala—ang mabubuting gawa ay dapat ipinagpapatuloy at ang mga dapat baguhin ay binibigyang-pansin. Nakita natin na kung kagustuhan talaga ng mga kandidato ang paglilingkod sa bayan, kahit pa sa ibang tao nagmula ang isang proyekto, ipagpapatuloy pa rin ito para sa ikabubuti ng ating bansa. Ang ganitong pag-iisip ang humamon sa lahat ng nais maglingkod sa bayan na gawin ang kanilang pinakamabuti sa kaisa-isang pagkakataong ipagkakaloob sa kanila. Muli, positibo ang naging bunga dahil produktibo at progresibo ang pamamahala sa ating bayan.

Natutuwa rin ako na marami sa ating public official ay nagpakatotoo sa paglilingkod sa bayan. Kusang-loob nilang tinanggap ang hamon ng aking pamahalaan na kung tunay na paglilingkod sa bayan ang hangarin nila at hindi ang perang makukuha sa paglilingkod, huwag na nilang tanggapin ang kanilang sahod at ibigay nalang sa mga proyektong makatutulong sa mahihirap. Lumabas tuloy ang mga tunay na may puso para sa bayan. Isa na rito ang mga tulad naming nasa mataas na katungkulan—narito kami hindi bilang empleyado ng pamahalaan na kikilos at magtatrabaho para sa suweldo, pero narito kami bilang  public servants o volunteers na hindi tumatanggap ng kahit ano sa pamahalaan at nabubuhay gamit ang aming sariling kabuhayan. Ang pagkakaroon din ng mahirap na Civil Service Examination ang naging susi upang makasigurong handang maglingkod sa bayan ang isang indibidwal dahil alam niya ang sistema at kultura ng Pilipinas at hindi kung sino-sino lang.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino na mas pinaigting ang mga polisiyang pang-disiplina sa ating bansa. Nakatulong ang mga batas na nagbabawal dumura o umihi sa lansangan upang bigyang-halaga ang mga imprastrakturang pinakikinabangan ng lahat. Natutunan din ng  mamamayan ang pagpapahalaga sa mga bagay na ipinagkaloob ng pamahalaan nang sa gayon, hindi na kailangan gumastos sa pagpapalit at pagpapagawa ng mga ito. Hindi na rin labis na suliranin ang trapiko dahil una, mahigpit nang ipinagbawal ang jaywalking kung kaya’t hindi na sagabal ang mga tao sa daanan at ikalawa, hinigpitan din ang pagbibigay ng lisensya sa mga drayber upang makasigurong sapat ang kaalaman at disiplina ng mga nagmamaneho sa ating lansangan. Ang pagiging maginoo at magiliw ng mga kalalakihan, lalo na sa mga babae at bata, ay nakatulong upang magkaroon ng respeto sa isa't isa at maging kaaya-aya ang pakikitungo sa kapwa Pilipino. Nararapat lang na ibalik natin ang mga kaugaliang makatutulong upang iangat ang ating moral at dignidad, nang sa gayon, tingnan tayong mga Pilipino bilang mamamayang may tamang pag-uugali.

Kapuna-puna rin ang pagbaba ng krimen sa ating bansa dahil sa unti-unti nating pagpuksa sa labis na kahirapan. Dahil inilipat na ang mga kulungan sa hiwalay at malayong pulo, mas kaunti ang sumusubok gumawa ng krimen dahil sa takot na tuluyang mapalayo sa mga minamahal sa buhay. Ang pagkakaroon din ng hustong dami ng mga huwes sa bawat lungsod ay nakatulong upang mapabilis ang proseso ng paglilitis. Isinaayos ang sistema ng hukuman na hindi nagtatangi ng mga kaso—mabigat man o mababaw. Dahil dito, nanumbalik ang tiwala ng mamamayan sa sistema ng hustisya sa ating bansa—walang nang nakalulusot sa batas.

Isa pang dahilan kung bakit nanumbalik ang disiplina ng mamayan ay ang  mas pinalakas na pwersa ng depensa ng ating gobyerno. Mas marami nang pulis na umiikot sa mga lansangan na nagpapanatili ng katahimikan at kapayapaan. Ang ating hukbong sandatahan, pandagat at panghimpapawid ay binigyan na ng pansin kung kaya’t hindi na tayo nahuhuli sa ibang mga bansa. Kung hahamunin nila tayo ng digmaan, ipaglalaban natin ang karapatan bilang Pilipino hangga’t sa huling bala dahil alam nating kaya natin. Hindi na nila tayo maaaring api-apihin at maliitin. Ikinalugod ko ang panunumbalik ng mga dating rebelde sa ating pamahalaan dahil sila ay nagtitiwala sa mga planong inihain ng pamahalaan. At nakita naman natin na nabigyan sila ng pantay na atensyon at tulong pang-ekonomiya upang hindi na nila kailanganing humiwalay sa ating bansa. Nararapat lang na ipadama sa kanila na sila ay bahagi pa rin ng Pilipinas.

Dahil sa pagsasaayos ng sistema sa ating pamahalaan, naakit ang mga investor kung kaya’t mas marami ang nagsipagtayo ng mga negosyo sa ating bansa—kahit pa hinigpitan natin ang mga polisiyang pang-ekonomiya. Nais nating unahin ang mga industriyang Pinoy kung kaya’t sinisiguro nating hindi maaaring diktahan ng mga banyagang produkto ang ating ekonomiya. Ako ay natutuwa na sa wakas ay nagamit na natin ang mga kayamanan ng ating bansa. Nagawa nating mabuhay nang hindi umaasa sa mga inaangkat mula sa ibang bansa.  Ang mga lupaing dapat pinagkukunan ng mga pagkain ay inilaan sa tamang paggamit nito kung kaya’t sapat ang mga ani para sa buong bansa. Hindi na rin tayo umaasa nang husto sa langis ng Gitnang Silangan dahil ang ating geothermal at hydro-electric powerplants ay nakalilikha nang sapat na enerhiya para sa ating bansa—bukod pa sa mga mayamang reserba ng langis na natagpuan natin sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Nalagpasan ng ating ekonomiya ang dating kinaiinggitang Singapore at Hong Kong dahil tayo na ngayon ang may pinakamagandang ekonomiya sa Timog-Silangang Asya. Bagama’t nananatiling China ang nangunguna sa buong Asya, malaki na rin ang importansyang binibigay nila sa atin dahil marami sa ating pabrika ang lumilikha ng produkto para sa buong mundo, katulong ang China. Hindi tayo nagkamali sa ating desisyong umasa muna sa kung anong mayroon tayo dahil ito ang nagbigay-daan upang mapaunlad natin ang sariling-atin.

Hindi na rin nahuhuli ang ating mga mag-aaral dahil naisaayos na ang ating sistemang pang-edukasyon. Ang kurikulum ng Ministry of Education ay sumusunod sa internasyonal na pamantayan. Ang ating mga guro ay binigyan ng sapat ng pagsasanay upang maging handa sa pagtuturo ng makabagong kurikulum at ako ay nagagalak na ang ating sistema ng edukasyon ay muli nang tinitingala ng ibang bansa. Nakatulong din marahil ang pagkakaroon ng paaralan sa bawat barangay kung saan angkop ito sa populasyon ng mga kabataang dapat nag-aaral. Tuluyan nang naging libre ang edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo sa ating mga pambansang paaralan kaya marami na sa ating mamamayan ang nagiging produktibo. Kung ano ang mga pasilidad sa isang paaralan, dapat mayroon din sa iba kaya pantay-pantay ang pagkatuto ng ating mga kabataan.

Nakita rin natin ang pagbuti ng kalagayan ng pamumuhay sa ating bansa. Kung dati, nagsisiksikan sa Maynila ang lahat ng gustong makipagsapalaran, ngayon hindi na nila kailangang lumuwas dahil ang mga trabaho ay ikinalat sa iba’t ibang lalawigan ng bansa. Matindi rin ang pagbabagong idinulot sa ating pamumuhay ng proyektong ONE Philippines—ang pagdudugtong ng mga pulo sa Pilipinas sa pamamagitan ng malawak na sistema ng tren at kalsada sa ating bansa. Ngayon, madali nang makalilipat sa Luzon, Visayas at Mindanao. Kung dati, para sa mayayaman lang ang paglibot sa Pilipinas, ngayon, kahit ordinaryong  mamamayan ay maaari nang bumiyahe at lumibot sa sariling bansa gamit ang pinadaling sistema ng tren. Nasira na rin ang sumpa ng Filipino Time dahil hindi maaring mahuli sa biyahe ng tren kung kaya’t nasanay ang mga Pilipinong maging on-time. Ang pabahay rin na kaloob ng pamahalaan ang pumuksa sa squatters.  Ngayon, desente at maayos na tirahan na ang tinirahan ng mahihirap na Pilipino. Hindi na nila kailangang magtiis sa mga barung-barong at delikadong bahay. Maginhawa na muli ang pamumuhay sa Pilipinas.

Ito ang para sa aki’y mga natatanging ambag ng aking pamamahala. Marahil sa iba ay mas marami pang naidulot na maganda ang mga malaking pagbabago pero sa lahat ng ito,  isang bagay lang ang maaari kong ipagmalaki kahit na ako’y wala na sa katungkulan—ito ay ang pagbabalik ng pagmahahal sa bayan. Dahil sa bagay na ito, naging madali para sa akin na magpatupad ng mga programa at batas na sa tingin ko’y makabubuti sa ating bansa. Hindi ito siguro naging posible kung hindi sa pakikiisa ng bawat Pilipino. Napatunayan ko na hindi pa huli ang lahat para sa ating bansa—nananalaytay pa rin ang dugong Pilipino sa ating mga ugat. Mapayapa kong iiwan ang pamamahala sa ating bansa sa kamay ng bawat Pilipino, bitbit ang paniniwalang hindi masasayang ang lahat ng aking pinaghirapan dahil nasa kamay na ito muli ng tunay na nagmamay-ari ng bansa. Ang Pilipinas ay naibalik na sa mga Pilipino. Wala nang ibang bansa pa ang pinakamainam na tirahan ng mga Pilipino.

Ito na ang huling pagkakataong magsasalita ako sa inyong harapan bilang Pangulo. Nananalig ako sa Panginoon na kahit tapos na ang aking panunungkulan, hindi na muling mawawala ang dangal ng Pilipinas. Ingatan nawa natin ang ating pinaghirapan dahil para rin ito sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Maraming salamat sa anim na taon na pagtitiwala at pagmamahal ninyo sa akin.

Mabuhay ang dakilang bansang Pilipinas!



------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Dahil sa mga pagtatalakay natin tungkol sa Pilipinas, ninais kong ibahagi ang aking mga pangarap para sa Pilipinas. Inilahad ko ito sa pamamaraang talumpati ng isang pangulo katulad ng aming mga pinag-aralang talumpati at sanaysay na ginawa ng mga nakaraang pangulo ng Pilipinas.


Biyernes, Hunyo 22, 2012

Hoy Gising!


Hoy Gising!

ni Danielle Royon


Sino ang makatatanggi sa ganyang pagmamakaawa?

                Isang simpleng palabas na pambata o “cartoon” ang pagmumulan ng aking repleksyon batay sa tinalakay namin ngayong ikalawang linggo ng klase. Ang larawan sa itaas ay nagmula sa pelikulang Shrek kung saan may isang pusang matipuno at maliksi na nagngangalang Puss. Dumating sa punto ng kaniyang buhay na hindi na niya kaya gawin ang mga dati niyang nakagawian dahil sa kanyang katabaan—isa na rito ang pagkakamot ng kanyang likod. Bilang pangangailangan na dapat mapagbigyan, humingi siya ng tulong sa kaibigang asno para dilaan at kamutin ang kaniyang likod.  Hindi naging madali para sa kaniya na kumbinsihin ang kaibigang asno kaya kinailangan pa niyang magpa-“cute” tulad ng makikita sa larawan sa itaas. At dahil sobrang maamo ng kaniyang mukha, bumigay din ang asno at dinilaan ang kaniyang likod.

                Ngayon, ano ang makukuha natin sa larawang ito?

                Ang dalawa sa aming pinag-aralan ngayong linggo ay katatagpuan ng parehong sitwasyon. Una, kay dating pangulong Gloria. Kitang-kita naman sa video kung paano niya plinano ang kanyang emosyon sa pagharap sa taumbayan. Kitang-kita sa kanyang mga mata na ginawa niya ang paghingi ng tawad hindi dahil talagang nagsisisi siya, kundi para maging usap-usapan siya ng mga mamamayan pero sa pagkakataong ito, sa isang positibong pananaw. Paano? Simple lang. Matatakpan ng mga usap-usapan tungkol sa paghingi niya ng tawad ang tunay na isyu na dapat mas pinagtutuunan ng pansin. Sino nga naman ba tayo upang ipagwalang-bahala ang isang tao humihingi ng tawad? Natural lang na makadama ng kaunting pagpapatawad at paglimot ang sinumang hingian nito. Mukhang seryoso nga si GMA. Seryosong tuparin ang kanyang mga plano kaya hindi niya hahayaan na masira ang tingin sa kaniya ng taumbayan. Ikalawa ay ang paraan ng pagdulog sa atin ng mga Kastila na tinalakay sa akda ni Bonifacio. Hindi ba’t mistulang maamo at tunay na kaibigan ang pambungad nila sa atin? Kung ako nga naman ang nasa kalagayan ng mga datu at raja noon, hindi ko rin palalampasin ang pagkakataong makipagkaibigan sa ibang lahi. Ngunit sa hindi nila inakala, taliwas sa kanilang ipinangako ang kanilang ginawa. Labis na kataksilan pa ang kanilang isinukli sa ating kabutihan.

                Dahil sa mga aral na ito. nais kong bigyang-paalala ang lahat ng makababasa nito na maging maingat sa pagsuri ng mga bagay—lalo na kapag kailangan nating ipagkaloob ang ating tiwala. Hindi lahat ng maamo ay mabuti, hindi lahat ng nakaka-awa ay nangangailangan at hindi lahat ng paghingi ng tawad ay pinagsisisihan.

                Kaya gumising ka at imulat ang mga mata, kung ayaw mong sa huli’y magsisi ka.


Larawan mula sa: http://annalisegreen.com/?tag=puss-in-boots