Kainan na!
Ngayong
linggong ito, nabanggit sa aming talakayan ang kaugnayan ng pakikisalo sa
pagkain bilang manipestasyon ng pakikisama at pakikiisa. Dahil dito, bumalik sa
aking alaala ang mga pagkakataon ng aking buhay na magpapatotoo sa prinsipyong
ito.
Ako
ay kabilang sa mga karaniwang mamamayan. Hindi ako lumaking mayaman ngunit
hindi rin naman kami dukhang-dukha. Sa mas mababaw na salita, katamtaman lang. Kung
ano man ako ngayon ay bunga ng maraming karanasan na kahit simple ay
kapupulutan pa rin ng aral sa buhay. Ang aking pagkakabilang sa iba’t ibang
sektor ng lipunan ang nagdala sa akin sa maraming lugar, nagpakilala sa akin ng
iba’t ibang personalidad at nagparanas sa akin ng mga bagay na kung iisipin,
hindi pangkaraniwan sa isang batang tulad ko. Marami nga ang nagsasabi na sa
aking murang edad, marami na ang aking naranasan na dapat ay hindi ko
pa nararanasan. Nais kong maging malinaw na hindi ko pinatutukuyan ang mga
gawain lang dapat ng mga mag-asawa o anumang bagay na pangmatatanda lang. Ang ibig
kong sabihin ay maaga akong tumanda. Maagang namulat ang mga mata ko sa mga
katotohanan ng lipunan na nagbibigay sa akin ng kalinawan bilang isang indibidwal.
At marami sa mga pagkakataong sumulong ako sa realidad ng buhay ay sa
pamamagitan ng pagkain. Mula sa isang simpleng gawain ng pagbibigay sustansya
at lakas sa ating katawan, nakamamanghang isipin na ang gawaing ito ay may mga
implikasyon din sa ating pakikipagkapwa-tao.
Isang
kahig. Isang tuka.
Madalas
ko iyang naririnig kapag may isang mahirap na nagsasalaysay ng kanyang buhay. Noong una, hindi
ko lubos na maunawaan ang ibig nitong sabihin ngunit nang kalauna’y nakuha ko
rin. Ganito ang paraan ng paglalaarawan ng mga kinakapos sa buhay kapag
pinag-uusapan ang kanilang kalagayan. Ngunit hindi ba nakuha ang ideyang ito sa
pagkain? Sa hayop man ito nakuha, mabilis mong maiintindihan na sa ganitong
kalagayan, kung ano lamang ang iyong nakayanan, iyon lamang ang makukuha mo.
Sa madaling salita, wala kang sobra. Kapag hindi ka pinalad na kumita, wala
kang kakainin. Ganyan ang madalas na sitwasyon na aking napapanood sa TV. Pero mas malalaman mo ang katotohanan sa likod nito kapag nangahas kang makisalo at makikain sa kanila.
Sa
aking pagbisita sa tahanan ng isang kapatiran sa simbahan, napuno ng awa ang
aking puso sa aking nakita. Pagdating namin, agad akong inalok upang kumain
kasama nila. Ang kanilang ulam—Dory, isang uri ng tingi-tinging sitsirya. Hindi
ko inakala na ang karaniwang sitsiryang binibili ko ay maituturing nang masarap na ulam
para sa iba. “Lalagyan mo lang ng suka iyan, ok na", ang sabi niya. Dahil minsan ko lang naman ito mararanasan, sinubukan ko itong tikman.
Maalat-alat naman kaya puwede na. Bukod pa rito, nakasasalamuha ko
rin ang iba pang uri ng mamamayan tulad ng mga construction workers, tricycle drivers, mga pulubi at mga “may
kaunting karamdaman sa isip” sa pamamagitan ng pagkain. Mula pa noong hayskul,
may mga kinainan ako kung saan doon ko sila nakasabay kumain. Makikita mo sa
dami ng ulam at kanin sa mga plato kung sino ang medyo naka-aangat sa buhay. Maraming
bumibili ng gulay dahil iyon ang mas mura pero masarap pa rin. Minsan pa nga’y
naranasan kong kumain ng manok at pagkatapos ko, may isang mama, hindi gaanong
katangkaran ngunit tantiya kong nasa edad 30 o 40 na hiningi ang natira kong
manok. Hindi ko akalain, na kung para sa akin ay wala nang pakinabang ang manok
na iyon, para sa kaniya ay masarap na itong hapunan na bubusog sa kanya. Magalang naman niya itong hiningi kaya magalang ko rin itong ibinigay nang
walang alinlangan. Nakasisiguro naman akong hindi ko ito nilawayan kaya’t
malinis ang kaniyang kakainin. Noon namang bumisita ako sa kampo ng mga militar noong
hayskul pa ako, ipinaranas sa aking ang tinatawag na boodle fight. Akala ko nama’y
isang uri ito ng pakikipaglaban, iyon pala, isang paraan ng pagkain. Sa kultura
ng mga sundalo, ang pagkain ay isang bagay na ginagawa ng sama-sama. Sa aming
kaso, naglatag lang kami ng mga dahon ng saging at doon namin ibinuhos kung
anuman ang aming baon. Akala ko’y kasabay naming kakain ang mga sundalo ngunit
tumayo lang sila sa aming likuran at naghintay. Iyon pala, pagkatapos
naming kumain, sila naman ang kakain ng mga tira-tira. Walang arte, walang
alinlangan. Para sa akin, isang karangalan ang makasalamuha man lang ang mga
nagtatanggol sa ating kapayapaan, pero labis na paghanga ang aking naramdaman
nang walang-alinlangan nilang kinain kahit ang aming mga tira-tira sa ngalan ng pakikisama
at pakikipagkapwa-tao. Marami na rin akong nakainang karinderya, lalo na sa Quezon City, mula nang nanirahan ako para sa pag-aaral. May mga
nagsasabing hindi ligtas kumain sa mga ganoong lugar dahil hindi ka nakasisiguro
sa kalinisan ng pagkain. Pero dahil gusto ko ngang maranasan ang mga bagay na
ito habang may pagkakataon, pinipili ko pa ring tikman ang kanilang mga putahe.
Masarap naman at sinisiguro nilang kumpleto ang iyong pagkain—may kanin, ulam,
sabaw at tubig. Sa mga karinderya ko nakasasabay kumain ang mga trabahador
tulad ng sinabi ko kanina. Minsan nga’y nakatatanggap pa ako ng tingin ng
pagdududa dahil siguro wala sa hitsura ko ang kumain sa karinderya kasama nila.
Gayunpaman, ang pakikisalo ko sa mga taong ito ang nagpapanatili ng aking
pag-unawa at pagkilala sa mga kapos-palad nating kababayan. Hindi ko man sila
kilala at gayundin naman sila sa akin, alam kong malaking bagay na ang kumaing kasabay sila.
Fine Dining at it’s Finest
Sa
kabilang dako naman ng mundo, nandoon ang mga mayayaman. Hindi man literal na
hiwalay ang mga mayayaman sa mga mahihirap, makikita mismo ng iyong mga mata
ang pagkakaiba. Mapalad akong nabigyan ng pribilehiyong makakilala at
makadaupang-palad ang ilan sa mayayaman dito sa ating bansa—sikat man o
pangkaraniwang mayaman. Madali silang matagpuan. Pumunta ka lang sa mga
kainan na sa unang tingin palang ay mahihinuha mo nang may kamahalan ang pagkaing inihahain sa loob at doon mo sila makikita. Kahit sa kanilang mga baon sa
eskwelahan, kitang-kita na may-kaya nga. Kahit na ako ay nag-aral sa public science high school, marami pa
rin akong nakilalang mayayaman. Ang iba’y anak ng bise-presidente ng Smart Communications at
marami pang prominenteng pamilya. Akalain mo nga naman. Sino ang mag-aakalang
sa public science high school ka pa makakakilala ng ganoong uri ng tao.
Kahit sa mga mall, sa mga restawran
at sa mga sinehan, makikita na madalas sa mga mayayaman, binibili ang
pinakamalaking size, ang pinakamahal
sa flavor, o ang pinakamaraming serving
dahil may pera naman silang pambili nito.
Ako,
bilang karaniwang mamamayan, ay nag-oobserba sa tuwing may makakasama akong
mayaman, lalo na kapag kainan. Sa mga handaan, masusi kong binabantayan ang mga
ikinikilos nila nang sa gayon, maunawaan ko ang mga pagkakaiba at pagkakatulad
nila sa karaniwang mamamayan. May isang pagkakataong nakasabay kong kumain
ang isang artista ng TV5. Siguro nama’y kilala at hindi madaling makalimutan ang
kabutihang ginawa ni Efren Peñaflorida kung kaya’t tinagurian siyang CNN Hero
of the Year noon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, naisama sa kanyang palabas
ang isang proyektong nilahukan ko noong hayskul kung kaya’t kinuha nila ang
aking panayam at isinama pa sa kanilang studio.
Doon ko nakita na simple pa rin si Kuya Efren kahit siya’y sumikat na. Ang
pagkaing nakalaan sa amin ay iba kumpara sa mga artista. Sa amin, Jollibee lang, sa
kanila, hindi naka-styrong pagkain na may kasama pang panghimagas. Ngunit nagkulang ang
mga Jollibee na nakahanda kung kaya’t naantala ang pagkain ko. Napansin ito ni
Kuya Efren kaya agad niya akong nilapitan at inalok ang kaniyang pagkain. Noong
una’y tumanggi pa ako dahil may hiya pa naman ako ngunit dahil may nakakahiya
kung tatanggihan ko siya, tinanggap ko na rin at kinain ang pagkaing nakalaan
sa kanya. Sa unang pagkakataon, ang pagkain na hindi dapat para sa akin ay
aking natikman, at sa artista pa nanggaling. Halos pareho din ang aking
naranasan nang bumisita si Sam Concepcion sa aming paaralan. Dahil ako ang
pangulo ng mga estudyante, ako ang tumanggap sa aming bisita. Pagkatapos ng
programa noong araw na iyon, pinaunlakan niya ang aming alok na kumain ng
tanghalian kasama ng prinsipal at ng ibang panauhin. Sa unang pagkakataon, ang
artistang nakikita ko lamang sa TV at napapakinggan lamang sa radyo ay kasabay
kong kumain—at nag-aabot pa ng ulam!
Hindi ko rin makalimutan ang araw kung saan kasama ko sa kainan at katabi ko
pang kumain ang presidente ng Globe Telecom at ang iba pang namamahala ng
kanilang kompanya. Iyon ang araw na iginawad sa akin ang apat na taong scholarship kung kaya’t nais kaming
makilala ng mga magkakaloob nito at wala nang iba pang mas mainam na paraan
kund hindi ang pagkain kasama kami. Tatlong beses kaming hinainan. Una, ang appetizer na salad at ang ibang prutas
na pampagana. Sumunod ay ang mismong tanghalian namin na ubod ng sarap.
Maraming uri ng ulam ang nakahandang ihain sa amin kaya’t nilalasap ko ang lasa
ng bawat isa nito. Huli ay ang mga panghimagas na keyk, sorbetes at iba pang pastries. Hindi naman lingid sa aking
kaalaman na ganito ang karaniwang ihinahain sa mga mayayaman ngunit ang bago sa
akin ay ang karanasang kumain kasabay ng mga “malalaking” taong ito. Kasabay ng
aming pagkain ang pagkuwento nila ng kanilang mga karanasan noong sila’y
nag-aaral pa at kung paano sila nakarating sa kinaroroonan nila ngayon.
Nagbahagi din kami ng mga karanasan naming lubos naman nilang hinangaan. Bukod
pa roon, ang kanilang pagkilos ay normal lang katulad ng isang karaniwang tao.
Bagama’t malaki ang responsibilidad na kanilang hawak at malaki din ang laman
ng kanilang mga bank account, pare-pareho
naming kinain ang kung anumang ihinain sa amin. Naranasan ko na ring kumain sa
isang chinese restaurant na ubod nang
mahal. Ito ay nangyari noong umuwi ang tiyahin kong galing sa Amerika at kumain
sila kasama ang aming pamilya. Sa isang upuan at kainan, gumastos siya ng
sampung libo! Marami nang mabibili doon pero pinili niyang gumastos ng ganoon
kalaki para lang sa pagkain. Hindi ito madalas nangyayari kung kaya’t
ikinagalak ko pa ring maranasan ang ganoong sitwasyon.
Sa
lahat ng ito, aking napagtanto na mayaman ka man o mahirap, lahat tayo may
iisang nararamdaman—ang pagkagutom. Lahat tayo, uupo din at kakain. Ito marahil
ang isang paraan ng Diyos upang ipaalala sa atin na malayo man ang ating
narating, mataas man tayo sa lipunan o nakabababa tayo tulad ng karamihan,
lahat tayo ay tao lang, pantay-pantay sa kaniyang paningin. Sa isang bagay
tulad ng pagkain, nakatutuwang isipin na iba-iba man ang anyo nito, lahat ng
ito ay nariyan upang tayo ay busugin.
Halika,
kain ka.
May kailangan pang ayusin tulad ng baybay ng "alaala," subalit binibigyan na kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!
TumugonBurahin