Linggo, Agosto 19, 2012

Kainan na!


 Kainan na!


Ngayong linggong ito, nabanggit sa aming talakayan ang kaugnayan ng pakikisalo sa pagkain bilang manipestasyon ng pakikisama at pakikiisa. Dahil dito, bumalik sa aking alaala ang mga pagkakataon ng aking buhay na magpapatotoo sa prinsipyong ito.

Ako ay kabilang sa mga karaniwang mamamayan. Hindi ako lumaking mayaman ngunit hindi rin naman kami dukhang-dukha. Sa mas mababaw na salita, katamtaman lang. Kung ano man ako ngayon ay bunga ng maraming karanasan na kahit simple ay kapupulutan pa rin ng aral sa buhay. Ang aking pagkakabilang sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang nagdala sa akin sa maraming lugar, nagpakilala sa akin ng iba’t ibang personalidad at nagparanas sa akin ng mga bagay na kung iisipin, hindi pangkaraniwan sa isang batang tulad ko. Marami nga ang nagsasabi na sa aking murang edad, marami na ang aking naranasan na dapat ay hindi ko pa nararanasan. Nais kong maging malinaw na hindi ko pinatutukuyan ang mga gawain lang dapat ng mga mag-asawa o anumang bagay na pangmatatanda lang. Ang ibig kong sabihin ay maaga akong tumanda. Maagang namulat ang mga mata ko sa mga katotohanan ng lipunan na nagbibigay sa akin ng kalinawan bilang isang indibidwal. At marami sa mga pagkakataong sumulong ako sa realidad ng buhay ay sa pamamagitan ng pagkain. Mula sa isang simpleng gawain ng pagbibigay sustansya at lakas sa ating katawan, nakamamanghang isipin na ang gawaing ito ay may mga implikasyon din sa ating pakikipagkapwa-tao.

Isang kahig. Isang tuka.

Madalas ko iyang naririnig kapag may isang mahirap na nagsasalaysay ng kanyang buhay. Noong una, hindi ko lubos na maunawaan ang ibig nitong sabihin ngunit nang kalauna’y nakuha ko rin. Ganito ang paraan ng paglalaarawan ng mga kinakapos sa buhay kapag pinag-uusapan ang kanilang kalagayan. Ngunit hindi ba nakuha ang ideyang ito sa pagkain? Sa hayop man ito nakuha, mabilis mong maiintindihan na sa ganitong kalagayan, kung ano lamang ang iyong nakayanan, iyon lamang ang makukuha mo. Sa madaling salita, wala kang sobra. Kapag hindi ka pinalad na kumita, wala kang kakainin. Ganyan ang madalas na sitwasyon na aking napapanood sa TV. Pero mas malalaman mo ang katotohanan sa likod nito kapag nangahas kang makisalo at makikain sa kanila.

Sa aking pagbisita sa tahanan ng isang kapatiran sa simbahan, napuno ng awa ang aking puso sa aking nakita. Pagdating namin, agad akong inalok upang kumain kasama nila. Ang kanilang ulam—Dory, isang uri ng tingi-tinging sitsirya. Hindi ko inakala na ang karaniwang sitsiryang binibili ko ay maituturing nang masarap na ulam para sa iba. “Lalagyan mo lang ng suka iyan, ok na", ang sabi niya. Dahil minsan ko lang naman ito mararanasan, sinubukan ko itong tikman. Maalat-alat naman kaya puwede na. Bukod pa rito, nakasasalamuha ko rin ang iba pang uri ng mamamayan tulad ng mga construction workers, tricycle drivers, mga pulubi at mga “may kaunting karamdaman sa isip” sa pamamagitan ng pagkain. Mula pa noong hayskul, may mga kinainan ako kung saan doon ko sila nakasabay kumain. Makikita mo sa dami ng ulam at kanin sa mga plato kung sino ang medyo naka-aangat sa buhay. Maraming bumibili ng gulay dahil iyon ang mas mura pero masarap pa rin. Minsan pa nga’y naranasan kong kumain ng manok at pagkatapos ko, may isang mama, hindi gaanong katangkaran ngunit tantiya kong nasa edad 30 o 40 na hiningi ang natira kong manok. Hindi ko akalain, na kung para sa akin ay wala nang pakinabang ang manok na iyon, para sa kaniya ay masarap na itong hapunan na bubusog sa kanya. Magalang naman niya itong hiningi kaya magalang ko rin itong ibinigay nang walang alinlangan. Nakasisiguro naman akong hindi ko ito nilawayan kaya’t malinis ang kaniyang kakainin. Noon namang bumisita ako sa kampo ng mga militar noong hayskul pa ako, ipinaranas sa aking ang tinatawag na boodle fight.  Akala ko nama’y isang uri ito ng pakikipaglaban, iyon pala, isang paraan ng pagkain. Sa kultura ng mga sundalo, ang pagkain ay isang bagay na ginagawa ng sama-sama. Sa aming kaso, naglatag lang kami ng mga dahon ng saging at doon namin ibinuhos kung anuman ang aming baon. Akala ko’y kasabay naming kakain ang mga sundalo ngunit tumayo lang sila sa aming likuran at naghintay. Iyon pala, pagkatapos naming kumain, sila naman ang kakain ng mga tira-tira. Walang arte, walang alinlangan. Para sa akin, isang karangalan ang makasalamuha man lang ang mga nagtatanggol sa ating kapayapaan, pero labis na paghanga ang aking naramdaman nang walang-alinlangan nilang kinain kahit ang aming mga tira-tira sa ngalan ng pakikisama at pakikipagkapwa-tao. Marami na rin akong nakainang karinderya, lalo na sa Quezon City, mula nang nanirahan ako para sa pag-aaral. May mga nagsasabing hindi ligtas kumain sa mga ganoong lugar dahil hindi ka nakasisiguro sa kalinisan ng pagkain. Pero dahil gusto ko ngang maranasan ang mga bagay na ito habang may pagkakataon, pinipili ko pa ring tikman ang kanilang mga putahe. Masarap naman at sinisiguro nilang kumpleto ang iyong pagkain—may kanin, ulam, sabaw at tubig. Sa mga karinderya ko nakasasabay kumain ang mga trabahador tulad ng sinabi ko kanina. Minsan nga’y nakatatanggap pa ako ng tingin ng pagdududa dahil siguro wala sa hitsura ko ang kumain sa karinderya kasama nila. Gayunpaman, ang pakikisalo ko sa mga taong ito ang nagpapanatili ng aking pag-unawa at pagkilala sa mga kapos-palad nating kababayan. Hindi ko man sila kilala at gayundin naman sila sa akin, alam kong malaking bagay na ang kumaing kasabay sila.

Fine Dining at it’s Finest

Sa kabilang dako naman ng mundo, nandoon ang mga mayayaman. Hindi man literal na hiwalay ang mga mayayaman sa mga mahihirap, makikita mismo ng iyong mga mata ang pagkakaiba. Mapalad akong nabigyan ng pribilehiyong makakilala at makadaupang-palad ang ilan sa mayayaman dito sa ating bansa—sikat man o pangkaraniwang mayaman. Madali silang matagpuan. Pumunta ka lang sa mga kainan na sa unang tingin palang ay mahihinuha mo nang may kamahalan ang pagkaing inihahain sa loob at doon mo sila makikita. Kahit sa kanilang mga baon sa eskwelahan, kitang-kita na may-kaya nga. Kahit na ako ay nag-aral sa public science high school, marami pa rin akong nakilalang mayayaman. Ang iba’y anak ng bise-presidente ng Smart Communications at marami pang prominenteng pamilya. Akalain mo nga naman. Sino ang mag-aakalang sa public science high school  ka pa makakakilala ng ganoong uri ng tao. Kahit sa mga mall, sa mga restawran at sa mga sinehan, makikita na madalas sa mga mayayaman, binibili ang pinakamalaking size, ang pinakamahal sa flavor, o ang pinakamaraming serving dahil may pera naman silang pambili nito.

Ako, bilang karaniwang mamamayan, ay nag-oobserba sa tuwing may makakasama akong mayaman, lalo na kapag kainan. Sa mga handaan, masusi kong binabantayan ang mga ikinikilos nila nang sa gayon, maunawaan ko ang mga pagkakaiba at pagkakatulad nila sa karaniwang mamamayan. May isang pagkakataong nakasabay kong kumain ang isang artista ng TV5. Siguro nama’y kilala at hindi madaling makalimutan ang kabutihang ginawa ni Efren PeƱaflorida kung kaya’t tinagurian siyang CNN Hero of the Year noon. Sa hindi inaasahang pagkakataon, naisama sa kanyang palabas ang isang proyektong nilahukan ko noong hayskul kung kaya’t kinuha nila ang aking panayam at isinama pa sa kanilang studio. Doon ko nakita na simple pa rin si Kuya Efren kahit siya’y sumikat na. Ang pagkaing nakalaan sa amin ay iba kumpara sa mga artista. Sa amin, Jollibee lang, sa kanila, hindi naka-styrong  pagkain na may kasama pang panghimagas. Ngunit nagkulang ang mga Jollibee na nakahanda kung kaya’t naantala ang pagkain ko. Napansin ito ni Kuya Efren kaya agad niya akong nilapitan at inalok ang kaniyang pagkain. Noong una’y tumanggi pa ako dahil may hiya pa naman ako ngunit dahil may nakakahiya kung tatanggihan ko siya, tinanggap ko na rin at kinain ang pagkaing nakalaan sa kanya. Sa unang pagkakataon, ang pagkain na hindi dapat para sa akin ay aking natikman, at sa artista pa nanggaling. Halos pareho din ang aking naranasan nang bumisita si Sam Concepcion sa aming paaralan. Dahil ako ang pangulo ng mga estudyante, ako ang tumanggap sa aming bisita. Pagkatapos ng programa noong araw na iyon, pinaunlakan niya ang aming alok na kumain ng tanghalian kasama ng prinsipal at ng ibang panauhin. Sa unang pagkakataon, ang artistang nakikita ko lamang sa TV at napapakinggan lamang sa radyo ay kasabay kong kumain—at nag-aabot pa  ng ulam! Hindi ko rin makalimutan ang araw kung saan kasama ko sa kainan at katabi ko pang kumain ang presidente ng Globe Telecom at ang iba pang namamahala ng kanilang kompanya. Iyon ang araw na iginawad sa akin ang apat na taong scholarship kung kaya’t nais kaming makilala ng mga magkakaloob nito at wala nang iba pang mas mainam na paraan kund hindi ang pagkain kasama kami. Tatlong beses kaming hinainan. Una, ang appetizer na salad at ang ibang prutas na pampagana. Sumunod ay ang mismong tanghalian namin na ubod ng sarap. Maraming uri ng ulam ang nakahandang ihain sa amin kaya’t nilalasap ko ang lasa ng bawat isa nito. Huli ay ang mga panghimagas na keyk, sorbetes at iba pang pastries. Hindi naman lingid sa aking kaalaman na ganito ang karaniwang ihinahain sa mga mayayaman ngunit ang bago sa akin ay ang karanasang kumain kasabay ng mga “malalaking” taong ito. Kasabay ng aming pagkain ang pagkuwento nila ng kanilang mga karanasan noong sila’y nag-aaral pa at kung paano sila nakarating sa kinaroroonan nila ngayon. Nagbahagi din kami ng mga karanasan naming lubos naman nilang hinangaan. Bukod pa roon, ang kanilang pagkilos ay normal lang katulad ng isang karaniwang tao. Bagama’t malaki ang responsibilidad na kanilang hawak at malaki din ang laman ng kanilang mga bank account, pare-pareho naming kinain ang kung anumang ihinain sa amin. Naranasan ko na ring kumain sa isang chinese restaurant na ubod nang mahal. Ito ay nangyari noong umuwi ang tiyahin kong galing sa Amerika at kumain sila kasama ang aming pamilya. Sa isang upuan at kainan, gumastos siya ng sampung libo! Marami nang mabibili doon pero pinili niyang gumastos ng ganoon kalaki para lang sa pagkain. Hindi ito madalas nangyayari kung kaya’t ikinagalak ko pa ring maranasan ang ganoong sitwasyon.

Sa lahat ng ito, aking napagtanto na mayaman ka man o mahirap, lahat tayo may iisang nararamdaman—ang pagkagutom. Lahat tayo, uupo din at kakain. Ito marahil ang isang paraan ng Diyos upang ipaalala sa atin na malayo man ang ating narating, mataas man tayo sa lipunan o nakabababa tayo tulad ng karamihan, lahat tayo ay tao lang, pantay-pantay sa kaniyang paningin. Sa isang bagay tulad ng pagkain, nakatutuwang isipin na iba-iba man ang anyo nito, lahat ng ito ay nariyan upang tayo ay busugin.

Halika, kain ka.


Linggo, Agosto 5, 2012

Ang Alamat ng Tarsier

Para sa aking blog entry, ito ang mga nakuha kong inspirasyon mula sa aming talakayan ngayong linggo:

1. Alamat. 
Isa sa aming mga tinalakay ang kaugnayan ng mga alamat sa pagiging bayani ni Rizal.

2. Tocsohan. 
Bagama't sa ibang konteksto ginamit ang salitang ito sa aming talakayan tulad ng panunuligsa ni Del Pilar sa mga utos ng simbahan sa pamamagitan ng kanyang sariling bersiyon ng Ang Sampung Utos, nais kong gamitin ang konsepto ng panunukso sa blog entry na ito.

3. Ang Pinaka. 
Sa huling bahagi ng aming talakayan, nagpakita ang aming guro ng listahan ng sampung pinakahindi kapani-paniwalang kuwento sa Pilipinas. Kaya naman, naisipan kong manaliksik ng iba pang listahan ng Ang Pinaka at nakita ko ang Ang Pinaka: Hanep na Hayop sa Pilipinas. Pangalawa sa listahan na ito ang tarsier sunod sa Philippine Eagle.

Dahil sa tatlong ito, naalala ko ang alamat na aking nilikha dalawang taon nang nakalilipas. Ginamit namin ito bilang katuwaan at simpleng pagtukso sa aming kinaiinisan.

Paalala:

1. Palitan lamang ang mga <insert name here> sa kuwento ng pangalan ng kinaiinisan mong tao. 

2. Ang alamat na ito ay kathang-isip at nilikha para sa katuwaan lamang.

O_O   Ang Alamat ng Tarsier   O_O














THE END
O_O