Linggo, Oktubre 7, 2012

Sagrado o Sarado?






Sagrado o Sarado?

Isa sa mga kamalayang binuksan sa aming pagtatalakay ay ang kaugnayan ng mata o pagtingin ng lalaki sa katawan ng babae. Hindi na bago ang ganitong kaisipan ngunit nais kong magbigay ng aking sariling interpretasyon sa ganitong aspeto ng humanidad.

Sa larawan sa itaas, makikita na may dalawang uri ng pagtingin sa babae: bilang sagrado at bilang sarado. Malaking impluwensiya ang kultura at tradisyong ng iba’t ibat lahi sa pagkakaroon ng ganitong pagtingin sa babae.

Ang babae, lalo na sa Gitnang Silangan, ay hindi pinagkakalooban ng pantay ng karapatan tulad ng sa mga lalaki. Ngunit, makikita sa kanilang mga panlabas na anyo ang kasagraduhan nila sa lipunan. Nakamamanghang isipin na sa isang bayan na hindi binibigyan ng halaga ang mga babae pagdating sa mga karapatan, mas pinapakitang sila ay sagrado. Kumbaga, kabalintunaan ng kanilang prinsipyo ang kanilang pinapakita. Nakabalot sa tela ang kanilang buong katawan at halos mata nalang ang iyong makikita. Itinuturing nilang kahihiyan ang malantad ang kanilang balat, lalo na sa mga lalaki. Nakatutuwa ring isipin na kahit ang kanilang interaksyon ay kakikitaan ng kasagraduhan.Kapag nahawakan mo ang kanilang kamay o hita ay kailangan mo na silang pakasalan. Ang kanilang katawan ay itinuturing na sagradong bagay na hindi dapat nababahiran ng karumihan.

Sa kabilang banda naman, may mga babaeng pinipiling maging sarado sa ganitong kaisipan. Makikita din ang kanilang kasaraduhan sa mga bagay na kanilang ginagawa. Halimbawa, sa Estados Unidos, kung saan liberal ang mga babae at ang kulturang liberal ang nangingibabaw, nakikita ang mga babae bilang sex toy o kaya’t tagapagbigay lamang ng aliw o kasiyahan. Kung kaya’t tulad sa larawan sa itaas, ang kanilang mga mata ay tinatakpan. Ito ay dahil ang mga mata ang tunay na nagpapakilala sa kalooban ng isang tao. Sa isang bayan na binibigyan ng pantay na karapatan at kapangyarihan ang mga babae, doon pa sila hindi nirerespeto at binibigyang-galang.

Ano nga kaya ang mas magandang pagtrato sa mga babae? Saan ba dapat sila lumugar sa ating lipunan? Ano ang mas nararapat na pagtingin sa ating mga kababaihan? Sagrado o sarado?




Image Source: http://d24w6bsrhbeh9d.cloudfront.net/photo/5538121_700b.jpg