Lunes, Hulyo 9, 2012

Kumpisalan: Hahabol ka din kaya?


Kumpisalan: Hahabol ka din kaya?

Mula sa kapanganakan
Tayo ay makasalanan
Hindi madaling takasan
Ngunit mayroong ibang paraan

Kumpisalan ang sagot
Upang hindi ka na managot
Nagawang sala ay malimot
At alisin ang galit at poot

Ngunit panahon ngayo’y mabilis na
Lahat ng tao ay abalang-abala
Magkakapanahon pa kaya
Upang magpalinis ng kusa?

Posible kayang mangyari
Na ang kumpisala’y di tulad ng dati
Mas mabilis, mas madali
Dahil nariyan lang sa tabi-tabi

Imbes na sa simbahan matatagpuan
Makikita na kung saan-saan
Teknolohiya ang pinuhunan
ATM ang tinularan

Pipila ka lamang, pipindot
Ang makina’y agad na sasagot
Uri ng kasalanang ikinasangkot
Mapipili na sa isang pindot

Agad-agad ibibigay
Kapatawarang hinihintay
Ngunit bilang kapalit, kailangang magbigay
Handog sa simbahan, pwedeng ialay

Maaaring gamitin ang credit card
Savings account o debit card
I-transfer lang ang halagang nakasaad
Pasasalamatan ka na agad

Kaya kaya ng teknolohiya
Sistema ng pangungumpisal gawing iba
Hindi matagal, walang abala
Computerized at automated pa

Ngunit ang ATM na tinularan
Ay isang makinang may hangganan
Paano kung hindi maintindihan
Ang inaaming kasalanan?

Kung talagang magkakaroon
Sa darating na panahon
Huwang sanang makalimutan
Ang tunay na pinagmulan

Bilang tao’y dapat laging tandaan
Na tayo’y matutukso sa kasalanan
Mayroon o wala mang kumpisalan
Manaig sana ang katapatan


------------------------------------------------------------------------------------------------------------


Ito ay isang pagmumuni-muni na aking inilahad gamit ang tula. Dahil napag-usapan sa klase ang kumpisalan at ang pagbabago ng mga bagay dahil sa panahon (halimbawa, ang pagtingin sa buwan at ang pagkakaroon ng mga anak sa labas), naisip ko na ilagay sa kakaibang panahon ang ideya ng kumpisalan. Paano kaya kung sa hinaharap, maging tulad nalang din ng mga ATM at ibang makina ang kumpisalan? Paano kaya kung maging instant na ito at electronic? Abangan.

Linggo, Hulyo 1, 2012

State of the Nation Address




State of the Nation Address
His Excellency Danielle C. Royon
21st President of the Republic of the Philippines
Congress of the Philippines
July 25, 2046



Vice President Gilbert Francisco, Former President Gloria Aquino, Former President Benigno Corona, justices of the Supreme Court, fellow colleagues in government, mga minamahal kong kababayan:


Sa nakalipas na anim na taon ng aking panunungkulan, marami ang nagbago. Kasabay ng aking panunungkulan ang mga pagbabagong matagal nang hinahanap ng mga Pilipino. Hindi ko lubos maisip na magiging kaagapay ko ang buong bansa sa pagsasakatuparan ng isang pambansang pangarap—ang manumbalik ang dating kadakilaan ng Pilipinas.

Nais kong balikan ang mga pagbabagong ating nakamit, hindi para magyabang o magmalaki sa inyo, kundi para ipaalala sa ating lahat ang ating mga nagawa. Ito ang nakita kong paraan upang maitatak sa inyong mga isip na kaya nating kumilos bilang isang bansa at isakatuparan ang ating mga mithiin.
Isa sa mga pinakamalaking pagbabago na ating pinagdaanan ay ang transisyon ng ating sistemang pampamahalaan mula sa demokratikong presidensyal tungo sa isang parliyamentaryong sistema. Marami ang tumutol sa simula ngunit nakumbinsi din sa huli na ito ang pinakamainam na sistema para sa ating bansa. Dahil sa pagkakaroon ng ganitong sistema, ang mga opisyal ng gobyerno ay masusing sinusuri at pinipili ng mga iniluklok niyong kinatawan sa bawat rehiyon. Nawala man ang inyong direktang kakahayang bumoto ng pangulo at iba pang mga mataas na opisyal, nakasisiguro naman kayo na ang mapipili ay pinili ng mga napili—ibig sabihin, hindi na maaring masuhulan ang taumbayan kapag may eleksyon kung kaya't ang integridad ng inyong mga kinatawan ang ating pinanghahawakan. Nakatulong din ang banta na kaagad matatanggal sa katungkulan ang sinumang mapatunayang nagnakaw at nasuhulang opisyal ng pamahalaan. Ako ay natutuwa na naibalik na ang tiwala at kumpiyansa sa gobyerno dahil sistemang ito. Marami nang nagtitiwala at nakikiisa sa layunin ng pamahalaan dahil naging mabisa at mainam ang sistemang ito sa ating bansa.

Ang pagputol sa sistemang dinastiya sa pulitika ay nakabuti rin sa ating bansa. Walang sinuman ang makauulit ng termino sa pamamahala—ang mabubuting gawa ay dapat ipinagpapatuloy at ang mga dapat baguhin ay binibigyang-pansin. Nakita natin na kung kagustuhan talaga ng mga kandidato ang paglilingkod sa bayan, kahit pa sa ibang tao nagmula ang isang proyekto, ipagpapatuloy pa rin ito para sa ikabubuti ng ating bansa. Ang ganitong pag-iisip ang humamon sa lahat ng nais maglingkod sa bayan na gawin ang kanilang pinakamabuti sa kaisa-isang pagkakataong ipagkakaloob sa kanila. Muli, positibo ang naging bunga dahil produktibo at progresibo ang pamamahala sa ating bayan.

Natutuwa rin ako na marami sa ating public official ay nagpakatotoo sa paglilingkod sa bayan. Kusang-loob nilang tinanggap ang hamon ng aking pamahalaan na kung tunay na paglilingkod sa bayan ang hangarin nila at hindi ang perang makukuha sa paglilingkod, huwag na nilang tanggapin ang kanilang sahod at ibigay nalang sa mga proyektong makatutulong sa mahihirap. Lumabas tuloy ang mga tunay na may puso para sa bayan. Isa na rito ang mga tulad naming nasa mataas na katungkulan—narito kami hindi bilang empleyado ng pamahalaan na kikilos at magtatrabaho para sa suweldo, pero narito kami bilang  public servants o volunteers na hindi tumatanggap ng kahit ano sa pamahalaan at nabubuhay gamit ang aming sariling kabuhayan. Ang pagkakaroon din ng mahirap na Civil Service Examination ang naging susi upang makasigurong handang maglingkod sa bayan ang isang indibidwal dahil alam niya ang sistema at kultura ng Pilipinas at hindi kung sino-sino lang.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino na mas pinaigting ang mga polisiyang pang-disiplina sa ating bansa. Nakatulong ang mga batas na nagbabawal dumura o umihi sa lansangan upang bigyang-halaga ang mga imprastrakturang pinakikinabangan ng lahat. Natutunan din ng  mamamayan ang pagpapahalaga sa mga bagay na ipinagkaloob ng pamahalaan nang sa gayon, hindi na kailangan gumastos sa pagpapalit at pagpapagawa ng mga ito. Hindi na rin labis na suliranin ang trapiko dahil una, mahigpit nang ipinagbawal ang jaywalking kung kaya’t hindi na sagabal ang mga tao sa daanan at ikalawa, hinigpitan din ang pagbibigay ng lisensya sa mga drayber upang makasigurong sapat ang kaalaman at disiplina ng mga nagmamaneho sa ating lansangan. Ang pagiging maginoo at magiliw ng mga kalalakihan, lalo na sa mga babae at bata, ay nakatulong upang magkaroon ng respeto sa isa't isa at maging kaaya-aya ang pakikitungo sa kapwa Pilipino. Nararapat lang na ibalik natin ang mga kaugaliang makatutulong upang iangat ang ating moral at dignidad, nang sa gayon, tingnan tayong mga Pilipino bilang mamamayang may tamang pag-uugali.

Kapuna-puna rin ang pagbaba ng krimen sa ating bansa dahil sa unti-unti nating pagpuksa sa labis na kahirapan. Dahil inilipat na ang mga kulungan sa hiwalay at malayong pulo, mas kaunti ang sumusubok gumawa ng krimen dahil sa takot na tuluyang mapalayo sa mga minamahal sa buhay. Ang pagkakaroon din ng hustong dami ng mga huwes sa bawat lungsod ay nakatulong upang mapabilis ang proseso ng paglilitis. Isinaayos ang sistema ng hukuman na hindi nagtatangi ng mga kaso—mabigat man o mababaw. Dahil dito, nanumbalik ang tiwala ng mamamayan sa sistema ng hustisya sa ating bansa—walang nang nakalulusot sa batas.

Isa pang dahilan kung bakit nanumbalik ang disiplina ng mamayan ay ang  mas pinalakas na pwersa ng depensa ng ating gobyerno. Mas marami nang pulis na umiikot sa mga lansangan na nagpapanatili ng katahimikan at kapayapaan. Ang ating hukbong sandatahan, pandagat at panghimpapawid ay binigyan na ng pansin kung kaya’t hindi na tayo nahuhuli sa ibang mga bansa. Kung hahamunin nila tayo ng digmaan, ipaglalaban natin ang karapatan bilang Pilipino hangga’t sa huling bala dahil alam nating kaya natin. Hindi na nila tayo maaaring api-apihin at maliitin. Ikinalugod ko ang panunumbalik ng mga dating rebelde sa ating pamahalaan dahil sila ay nagtitiwala sa mga planong inihain ng pamahalaan. At nakita naman natin na nabigyan sila ng pantay na atensyon at tulong pang-ekonomiya upang hindi na nila kailanganing humiwalay sa ating bansa. Nararapat lang na ipadama sa kanila na sila ay bahagi pa rin ng Pilipinas.

Dahil sa pagsasaayos ng sistema sa ating pamahalaan, naakit ang mga investor kung kaya’t mas marami ang nagsipagtayo ng mga negosyo sa ating bansa—kahit pa hinigpitan natin ang mga polisiyang pang-ekonomiya. Nais nating unahin ang mga industriyang Pinoy kung kaya’t sinisiguro nating hindi maaaring diktahan ng mga banyagang produkto ang ating ekonomiya. Ako ay natutuwa na sa wakas ay nagamit na natin ang mga kayamanan ng ating bansa. Nagawa nating mabuhay nang hindi umaasa sa mga inaangkat mula sa ibang bansa.  Ang mga lupaing dapat pinagkukunan ng mga pagkain ay inilaan sa tamang paggamit nito kung kaya’t sapat ang mga ani para sa buong bansa. Hindi na rin tayo umaasa nang husto sa langis ng Gitnang Silangan dahil ang ating geothermal at hydro-electric powerplants ay nakalilikha nang sapat na enerhiya para sa ating bansa—bukod pa sa mga mayamang reserba ng langis na natagpuan natin sa loob ng teritoryo ng Pilipinas. Nalagpasan ng ating ekonomiya ang dating kinaiinggitang Singapore at Hong Kong dahil tayo na ngayon ang may pinakamagandang ekonomiya sa Timog-Silangang Asya. Bagama’t nananatiling China ang nangunguna sa buong Asya, malaki na rin ang importansyang binibigay nila sa atin dahil marami sa ating pabrika ang lumilikha ng produkto para sa buong mundo, katulong ang China. Hindi tayo nagkamali sa ating desisyong umasa muna sa kung anong mayroon tayo dahil ito ang nagbigay-daan upang mapaunlad natin ang sariling-atin.

Hindi na rin nahuhuli ang ating mga mag-aaral dahil naisaayos na ang ating sistemang pang-edukasyon. Ang kurikulum ng Ministry of Education ay sumusunod sa internasyonal na pamantayan. Ang ating mga guro ay binigyan ng sapat ng pagsasanay upang maging handa sa pagtuturo ng makabagong kurikulum at ako ay nagagalak na ang ating sistema ng edukasyon ay muli nang tinitingala ng ibang bansa. Nakatulong din marahil ang pagkakaroon ng paaralan sa bawat barangay kung saan angkop ito sa populasyon ng mga kabataang dapat nag-aaral. Tuluyan nang naging libre ang edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo sa ating mga pambansang paaralan kaya marami na sa ating mamamayan ang nagiging produktibo. Kung ano ang mga pasilidad sa isang paaralan, dapat mayroon din sa iba kaya pantay-pantay ang pagkatuto ng ating mga kabataan.

Nakita rin natin ang pagbuti ng kalagayan ng pamumuhay sa ating bansa. Kung dati, nagsisiksikan sa Maynila ang lahat ng gustong makipagsapalaran, ngayon hindi na nila kailangang lumuwas dahil ang mga trabaho ay ikinalat sa iba’t ibang lalawigan ng bansa. Matindi rin ang pagbabagong idinulot sa ating pamumuhay ng proyektong ONE Philippines—ang pagdudugtong ng mga pulo sa Pilipinas sa pamamagitan ng malawak na sistema ng tren at kalsada sa ating bansa. Ngayon, madali nang makalilipat sa Luzon, Visayas at Mindanao. Kung dati, para sa mayayaman lang ang paglibot sa Pilipinas, ngayon, kahit ordinaryong  mamamayan ay maaari nang bumiyahe at lumibot sa sariling bansa gamit ang pinadaling sistema ng tren. Nasira na rin ang sumpa ng Filipino Time dahil hindi maaring mahuli sa biyahe ng tren kung kaya’t nasanay ang mga Pilipinong maging on-time. Ang pabahay rin na kaloob ng pamahalaan ang pumuksa sa squatters.  Ngayon, desente at maayos na tirahan na ang tinirahan ng mahihirap na Pilipino. Hindi na nila kailangang magtiis sa mga barung-barong at delikadong bahay. Maginhawa na muli ang pamumuhay sa Pilipinas.

Ito ang para sa aki’y mga natatanging ambag ng aking pamamahala. Marahil sa iba ay mas marami pang naidulot na maganda ang mga malaking pagbabago pero sa lahat ng ito,  isang bagay lang ang maaari kong ipagmalaki kahit na ako’y wala na sa katungkulan—ito ay ang pagbabalik ng pagmahahal sa bayan. Dahil sa bagay na ito, naging madali para sa akin na magpatupad ng mga programa at batas na sa tingin ko’y makabubuti sa ating bansa. Hindi ito siguro naging posible kung hindi sa pakikiisa ng bawat Pilipino. Napatunayan ko na hindi pa huli ang lahat para sa ating bansa—nananalaytay pa rin ang dugong Pilipino sa ating mga ugat. Mapayapa kong iiwan ang pamamahala sa ating bansa sa kamay ng bawat Pilipino, bitbit ang paniniwalang hindi masasayang ang lahat ng aking pinaghirapan dahil nasa kamay na ito muli ng tunay na nagmamay-ari ng bansa. Ang Pilipinas ay naibalik na sa mga Pilipino. Wala nang ibang bansa pa ang pinakamainam na tirahan ng mga Pilipino.

Ito na ang huling pagkakataong magsasalita ako sa inyong harapan bilang Pangulo. Nananalig ako sa Panginoon na kahit tapos na ang aking panunungkulan, hindi na muling mawawala ang dangal ng Pilipinas. Ingatan nawa natin ang ating pinaghirapan dahil para rin ito sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Maraming salamat sa anim na taon na pagtitiwala at pagmamahal ninyo sa akin.

Mabuhay ang dakilang bansang Pilipinas!



------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Dahil sa mga pagtatalakay natin tungkol sa Pilipinas, ninais kong ibahagi ang aking mga pangarap para sa Pilipinas. Inilahad ko ito sa pamamaraang talumpati ng isang pangulo katulad ng aming mga pinag-aralang talumpati at sanaysay na ginawa ng mga nakaraang pangulo ng Pilipinas.