Sumulat ka na, dali!
Ikaw! Oo, ikaw!
Kailangan mo ng siyamnapu’t siyam na salita para matapos ito.
Susubukin ko ang talas ng iyong pag-iisip at titingnan ko kung hanggang saan ang aabutin mo.
Kailangan mong maging maingat.
Kailangan mong maging mabilis.
Kahit na hinihila ka ng paligid mo sa bingit ng katamaran.
Huwag kang matakot.
Isipin mong mabuti ang sasabihin mo dahil isang pagkakataon lang ito.
Sa buhay, maraming pagsubok.
Babagyuhin ka ng maraming beses.
Magpapatalo ka ba?
Kaya mo iyan.
May pag-asa pa.
Magtatagumpay ka rin sa huli.
Sumulat ka na.
Ngayon na.
Baka abutin ka pa ng siyam-siyam.
Bilang ng salita: 99
Ang mga pahayag sa itaas ay ilan sa mga tumatakbo sa isip ko noong kumuha kami ng mahabang pagsusulit kung saan kailangan naming lumikha ng isang paliwanag sa loob ng siyamnapu't siyam na salita.
Dahil isa itong kakaibang paraan ng pagsagot, hindi ko makalimutan kung gaano kahirap limitahan ang iyong sarili sa isang maikling paliwanag.
Bukod pa rito, sumagi rin sa aking isipan ang salitang "siyam-siyam."
Isa itong salita na tumutukoy sa siyam na araw at gabi ng walang tigil na ulan.
Iniugnay ko ito sa mga pagsubok sa buhay, isang limitadong bagay na parang pagsusulit, kung saan masusubok ang iyong lakas at kakayahan upang mapagtagumpayan ito.