Biyernes, Hunyo 22, 2012

Hoy Gising!


Hoy Gising!

ni Danielle Royon


Sino ang makatatanggi sa ganyang pagmamakaawa?

                Isang simpleng palabas na pambata o “cartoon” ang pagmumulan ng aking repleksyon batay sa tinalakay namin ngayong ikalawang linggo ng klase. Ang larawan sa itaas ay nagmula sa pelikulang Shrek kung saan may isang pusang matipuno at maliksi na nagngangalang Puss. Dumating sa punto ng kaniyang buhay na hindi na niya kaya gawin ang mga dati niyang nakagawian dahil sa kanyang katabaan—isa na rito ang pagkakamot ng kanyang likod. Bilang pangangailangan na dapat mapagbigyan, humingi siya ng tulong sa kaibigang asno para dilaan at kamutin ang kaniyang likod.  Hindi naging madali para sa kaniya na kumbinsihin ang kaibigang asno kaya kinailangan pa niyang magpa-“cute” tulad ng makikita sa larawan sa itaas. At dahil sobrang maamo ng kaniyang mukha, bumigay din ang asno at dinilaan ang kaniyang likod.

                Ngayon, ano ang makukuha natin sa larawang ito?

                Ang dalawa sa aming pinag-aralan ngayong linggo ay katatagpuan ng parehong sitwasyon. Una, kay dating pangulong Gloria. Kitang-kita naman sa video kung paano niya plinano ang kanyang emosyon sa pagharap sa taumbayan. Kitang-kita sa kanyang mga mata na ginawa niya ang paghingi ng tawad hindi dahil talagang nagsisisi siya, kundi para maging usap-usapan siya ng mga mamamayan pero sa pagkakataong ito, sa isang positibong pananaw. Paano? Simple lang. Matatakpan ng mga usap-usapan tungkol sa paghingi niya ng tawad ang tunay na isyu na dapat mas pinagtutuunan ng pansin. Sino nga naman ba tayo upang ipagwalang-bahala ang isang tao humihingi ng tawad? Natural lang na makadama ng kaunting pagpapatawad at paglimot ang sinumang hingian nito. Mukhang seryoso nga si GMA. Seryosong tuparin ang kanyang mga plano kaya hindi niya hahayaan na masira ang tingin sa kaniya ng taumbayan. Ikalawa ay ang paraan ng pagdulog sa atin ng mga Kastila na tinalakay sa akda ni Bonifacio. Hindi ba’t mistulang maamo at tunay na kaibigan ang pambungad nila sa atin? Kung ako nga naman ang nasa kalagayan ng mga datu at raja noon, hindi ko rin palalampasin ang pagkakataong makipagkaibigan sa ibang lahi. Ngunit sa hindi nila inakala, taliwas sa kanilang ipinangako ang kanilang ginawa. Labis na kataksilan pa ang kanilang isinukli sa ating kabutihan.

                Dahil sa mga aral na ito. nais kong bigyang-paalala ang lahat ng makababasa nito na maging maingat sa pagsuri ng mga bagay—lalo na kapag kailangan nating ipagkaloob ang ating tiwala. Hindi lahat ng maamo ay mabuti, hindi lahat ng nakaka-awa ay nangangailangan at hindi lahat ng paghingi ng tawad ay pinagsisisihan.

                Kaya gumising ka at imulat ang mga mata, kung ayaw mong sa huli’y magsisi ka.


Larawan mula sa: http://annalisegreen.com/?tag=puss-in-boots